Tuesday, June 20, 2006

O Hangin!

Sino nga ba ito? Maging ang hangin at dagat sumusunod sa kanya!
Sa mga mahilig noon manood ng tele-seryeng Encantadia, na naging Etheria, na nagtapos bilang Encantadia: Pag-ibig Hanggang Wakas, naaliw sila sa karakter ni Amihan (Ina Calzado), isa sa mga diwata ng Sang'gres at taga pag-alaga sa Brilyante ng Hangin.
Ina Calzado bilang Amihan
Ang amihan at ang mga mangigisda
Sa meteorolohiya, ang hanging amihan (northeast monsoon) ay dumarating pag malapit na ang pasko, nagdadala ng ginaw, kaya ang awit "Malamig ang simoy ng hangin".

Pero ang amihan ay hanging kaaway ng mga mangingisda. Di tulad ng habagat, ang hanging amihan ay nagdadala ng mga mabibilis na alon at nagiging malakas ang kuryente ng dagat. Mahirap pumalaot at hindi madaling mangisda.

Si Aminan, Bathala, at Aman Sinaya
Sa mitolohiya ng Pilipinas, ang hangin ay nagkatawang diyosa kay Amihan. Bago nalikha ang lupa, naroon na sina Bathala, ang diyos na Langit; si Aman Sinaya, ang diyos na Dagat at si Amihan, ang diyosa ng Hangin. Pasaway itong si Aman Sinaya laging ginagamit ang malalaki niyang alon upang hamakin si Bathala. Sa kanilang sugapaan, nagapi si Aman Sinaya at nabuo ang iba't ibang pulo (ang kapuluan ng Pilipinas). Natapos ang giyera dahil namagitan si Amihan na nag-anyong ibon. Naging magkaibigan ang dalawa.

Si Malakas at si Maganda
Bilang tanda ng kanilang pagkakaibigan, nagpunla si Bathala ng isang buto sa ilalim ng Dagat. Nang lumaki ito, naging kawayan. Umusbong, lumampas sa Dagat at napansin ni Amihan. Nang lapitan nito nakarinig siya ng ingay mula sa loob ng kawayan: "O Amihan! O Amihan! Palabasin mo kami rito." Tinuka ni Amihan ang kawayan at lumabas ang dalawang tao, isang lalaki at isang babae. Pinangalanan niya ang lalaki, "Malakas", at ang babae, "Maganda". Inilipad niya ang mga ito sa mga pulo kung saan ang dalawang unang tao ay nagtayo ng tahanan at dumami ang kanilang lahi.
Si Amihan sa anyong ibon,
at ang paglabas ni Malakas at Maganda
(Mula sa Art Gallery ni Nestor Redondo)

Si Baal at Yam
Hawig nito ang mitolohiya ng Canaan at ng Sinaunang Malapit na Silangan (Ancient Near East). Sa Canaan, mahigit dalawang libong taon bago dumating si Hesus, nakaukit na sa mga tapyas na luwad (clay tablets) ang kwento ng sagupaan ng diyos na Langit na si Baal at ang diyos na Dagat na si Yam. Katulad ni Aman Sinaya, si Yam ang nagdadala ng gulo (chaos). Sa digmaan ni Baal at Yam, nanaig si Baal at nagkaroon ng kaayusan at pagyabong ng mga pananim.
Halimbawa ng tapyas na luwad
kung saan nakaukit ang kasaysayan ni Baal at Yam


Si Marduk at Tiamat
Ganun din ang kasaysayan ng simula ng mundo ayon sa Sinaunang Malapit na Silangan (sa Mesopotamia halimbawa). Nagkaroon ng digmaan si Marduk, ang tanyag na diyos ng mga taga-Babylonia, at si Tiamat, ang diyos ng kailaliman at karagatan. Pinaslang ni Marduk Tiamat sa pamamagitan ng sibat. Nahati ang katawan ni Tiamat--ang isa'y naging langit, at ang kabila'y lupa. Ang kanyang luhaang mga mata ang pinagmulan ng ilog Tigris at Eufrates. Katulad ni Bathala at Baal, nanaig si Marduk at nagkaroon ng kaayusan at tao sa mundo.

Ang digmaan ni Marduk at Tiamat (anyong dragon)
mula sa isang Babylonian cylinder sea
l

Itutuloy....
Kung gusto mong mapadalhan ng email alert para sa blog na ito, sumulat lang dito sa e-mail: rrandy33@yahoo.com

2 Comments:

At 12:29 PM, Blogger -+-eks-+- said...

ateeg pohh blog nu!!!

--",

 
At 4:30 AM, Blogger SNAP said...

Very informative. Thank you, Father!

 

Post a Comment

<< Home